Ang mga kaibahan sa pagitan ng daan tungo sa pagsisisi at ng daan tungo sa buhay na walang hanggan
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit” (Mateo 4:17).
“Sapagka’t ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (Mateo 26:28).
“Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).
“At kung ang sinomang tao’y nakikinig sa aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi ko siya hinahatulan: sapagka’t hindi ako naparito upang humatol sa sanglibutan, kundi upang iligtas ang sanglibutan. Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:47–48).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang gawaing ginawa ni Jesus ay naaayon sa mga pangangailangan ng tao sa kapanahunang iyon. Ang Kanyang tungkulin ay tubusin ang sangkatauhan, patawarin ang kanilang mga pagkakasala, kaya’t ang Kanyang disposisyon ay ganap na isang kapakumbabaan, pagpapasensya, pag-ibig, kabanalan, pagtitiis, awa, at kagandahang-loob. Nagdala Siya ng saganang biyaya at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat ng bagay na maaaring tamasahin ng mga tao, Kanyang ibinigay sa kanila para sa kanilang kasiyahan: kapayapaan at kaligayahan, ang Kanyang pagpaparaya at pagmamahal, Kanyang awa at kagandahang-loob. Noon, ang saganang mga bagay na nakasisiya na naranasan ng mga tao — ang damdamin ng kapayapaan at seguridad sa kanilang kalooban, ang damdamin ng kapanatagan sa kanilang espiritu, at ang kanilang pag-asa kay Jesus na Tagapagligtas — ay umiral na lahat sa kapanahunan na nabuhay sila. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagawa nang tiwali ni Satanas ang tao, kaya para magawa ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan, kinailangan ang saganang biyaya, walang-katapusang pagtitiis at pagpapasensya, at higit pa rito, isang handog na sapat para magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan, upang magkaroon ito ng epekto. Ang nakita ng sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya ay yaon lamang handog Kong pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan: si Jesus. Ang alam lamang nila ay na maaaring maging maawain at matiisin ang Diyos, at ang nakita lamang nila ay ang awa at kagandahang-loob ni Jesus. Ito ay dahil lamang sa nabuhay sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Kaya nga, bago sila maaaring tubusin, kinailangan nilang matamasa ang maraming uri ng biyaya na ipinagkaloob ni Jesus sa kanila upang makinabang sila rito. Sa ganitong paraan, maaari silang mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatamasa nila ng biyaya, at maaari din silang magkaroon ng pagkakataong matubos sa pamamagitan ng pagtatamasa ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus. Sa pamamagitan lamang ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus sila nagkakaroon ng karapatang tumanggap ng kapatawaran at magtamasa ng saganang biyaya na ipinagkaloob ni Jesus. Sabi nga ni Jesus: Ako ay pumarito hindi upang tubusin ang matuwid kundi ang mga makasalanan, upang tulutan ang mga makasalanan na mapatawad sa kanilang mga kasalanan. Kung si Jesus, noong Siya ay naging tao, ay nagdala ng disposisyon ng paghatol, sumpa, at kawalan ng pagpaparaya sa mga kasalanan ng tao, hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon ang tao na matubos, at mananatili silang makasalanan magpakailanman. Kung nagkagayon, tumigil na sana ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala noong Kapanahunan ng Kautusan, at tumagal sana nang anim na libong taon ang Kapanahunan ng Kautusan. Lalo pa sanang dumami at bumigat ang mga kasalanan ng tao, at nauwi sana sa wala ang paglikha sa sangkatauhan. Si Jehova lamang sana ang napaglingkuran ng mga tao sa ilalim ng kautusan, ngunit mas marami sana ang kanilang mga kasalanan kaysa roon sa mga tao na unang nilikha. Habang lalong minahal ni Jesus ang sangkatauhan, na pinatatawad ang kanilang mga kasalanan at pinagkakalooban sila ng sapat na awa at kagandahang-loob, lalong nagkaroon ng karapatan ang sangkatauhan na mailigtas ni Jesus, na matawag na mga nawawalang tupa na binili ni Jesus sa napakalaking halaga. Hindi maaaring makialam si Satanas sa gawaing ito, dahil pinakitunguhan ni Jesus ang Kanyang mga alagad na parang pakikitungo ng isang mapagmahal na ina sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Hindi Siya nagtanim ng galit sa kanila ni hindi Niya sila hinamak, kundi Siya ay puno ng kaaliwan; hindi kailanman sumiklab ang Kanyang galit sa kanila, kundi tiniis Niya ang kanilang mga kasalanan at nagbulag-bulagan sa kanilang mga kahangalan at kamangmangan, at sinabi pang, “Patawarin ninyo ang iba nang pitumpung pitong beses.” Binago ng puso Niya nang ganoon ang puso ng iba, at sa ganoong paraan lamang natanggap ng mga tao ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis.
Hinango mula sa “Ang Tunay na Kasaysayan sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ipinangaral ng Kapanahunan ng Biyaya ang ebanghelyo ng pagsisisi, at kapag ang tao ay naniwala, kung gayon siya ay maliligtas. Sa kasalukuyan, sa halip na kaligtasan, mayroon lamang pag-uusap ukol sa paglupig at pagkaperpekto. Hindi kailanman sinabi na kapag nananampalataya ang isang tao, ang kanilang buong pamilya ay pagpapalain, o ang kaligtasan ay minsanan lamang. Sa kasalukuyan, walang sinuman ang nagsasabi sa mga salitang ito, at ang gayong mga bagay ay lipas na. Sa panahong iyon ang gawain ni Jesus ay ang pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng naniwala sa Kanya ay napatawad; hangga’t ikaw ay naniwala sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay naniwala sa Kanya, hindi ka na isang makasalanan, ikaw ay pinawalang-sala sa iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng pagiging ligtas, at mapangatwiranan sa pamamagitan ng pananampalataya. Ngunit sa mga naniniwala, mayroon pa ring nanatiling mga mapaghimagsik at sumalungat sa Diyos, at mga kailangan pang dahan-dahang alisin. Ang kaligtasan ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusang nakamit na ni Jesus, sa halip ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan: Kapag ikaw ay naniwala, hindi ka na kailanman nasa kasalanan pa. Sa panahong iyon, si Jesus ay gumawa ng maraming gawain na mahirap maintindihan ng Kanyang mga disipulo, at nagsabi ng marami na hindi naunawaan ng mga tao. Ito ay dahil, sa panahong iyon, hindi Siya nagbigay ng paliwanag. Kaya, maraming taon pagkatapos Niyang umalis, nilikha ni Mateo ang Kanyang talaangkanan, at gumawa rin ang iba ng maraming gawain na naayon sa kalooban ng tao. Hindi pumarito si Jesus upang gawing perpekto at makamit ang tao, kundi upang magsagawa ng isang yugto ng gawain: dinadala ang ebanghelyo ng kaharian ng langit at tinatapos ang gawain ng pagpapapako sa krus — at kapag naipako na sa krus si Jesus, ang Kanyang gawain ay lubos nang naisakatuparan. Ngunit sa kasalukuyang yugto — ang gawain ng panlulupig — mas maraming salita ang dapat ipahayag, mas maraming gawain ang dapat isagawa, at nararapat magkaroon ng maraming paraan. Kaya nararapat ding mabunyag ang mga hiwaga ng gawain nina Jesus at Jehova, nang sa gayon ay maaaring magkaroon ang lahat ng tao ng pang-unawa at kalinawan sa kanilang paniniwala, dahil ito ang gawain ng mga huling araw, at ang mga huling araw ay ang katapusan ng gawain ng Diyos, ang panahon ng konklusyon ng gawaing ito.
Hinango mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa mga huling araw, si Cristo ay gumagamit ng sari-saring katotohanan upang turuan ang tao, ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas nang pangmatagalan. Ang ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang itinuturing na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto na magpasakop sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtam ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
Hinango mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang ihatid ang isang bagong kapanahunan, upang baguhin ang paraan ng Kanyang gawain, at upang gawin ang gawain para sa buong kapanahunan. Ito ang panuntunan ng paggawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay nagkatawang-tao upang magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, binibigyang-kakayahan ang tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at ang Kanyang karunungan at pagiging nakamamangha. Ang ganoong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao. Ito ang tunay na kahulugan ng paggamit sa salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang kailangang pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng salita, ang lahat ng gawain na nais isagawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng salita, nahahayag ang tao, naaalis at sinusubukan. Nakita ng tao ang salita, narinig ang salita, at nabuksan ang kamalayan patungkol sa pag-iral ng salita. Ang bunga nito, naniniwala ang tao sa pag-iral ng Diyos, naniniwala ang tao sa pagiging makapangyarihan sa lahat at sa karunungan ng Diyos, gayundin sa pagmamahal ng Diyos para sa tao at Kanyang pagnanais na iligtas ang tao. Bagaman ang salitang “salita” ay payak at karaniwan, ang salita mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang buong sansinukob; binabago ng Kanyang salita ang puso ng tao, ang mga pagkaunawa at ang lumang disposisyon ng tao, at ang lumang anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganoong paraan, at Siya ang tanging nagsasalita at nagliligtas sa tao. Pagkatapos noon, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng salita, inaakay at tinutustusan ng salita. Ang buong sangkatauhan ay namumuhay sa mundo ng salita, namumuhay sa gitna ng mga sumpa at mga pagpapala ng salita ng Diyos, at mas marami pang tao ang namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng salita. Ang mga salita at gawaing ito ay para lahat sa kapakanan ng kaligtasan ng tao, pagtupad sa kalooban ng Diyos, at pagbabago sa orihinal na anyo ng mundo ng unang paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng salita, pinamumunuan ang mga tao sa buong sansinukob sa pamamagitan ng salita, nilulupig at inililigtas sila sa pamamagitan ng salita. Sa huli, gagamitin Niya ang salita upang dalhin ang buong lumang mundo sa katapusan. Doon lamang ganap na matatapos ang plano ng pamamahala.
Hinango mula sa “Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Naghahatid ng buhay si Cristo ng mga huling araw, at naghahatid ng walang maliw at magpakailanmang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Hindi kailanman magkakamit ng buhay yaong mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan, ni hindi makakamit ang walang hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno yaong mga hindi nabigyan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung sinusubukan mo lamang na hawakan ang nakaraan, sinusubukan lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano sila sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog — subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka nila maaakay para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka nila madadala paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga titik na magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Napagyayaman lamang ng mga banal na kasulatang binabasa mo ang dila mo at hindi ng mga salita ng karunungang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi sa mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagkaperpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo ng pagmumuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba pinagtatanto ka nito sa mga hiwagang sumasaloob? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung walang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon — tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi kailanman makakamit ang buhay.
Hinango mula sa “Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Kung gusto mong matuto nang higit pa, maaari kang makipag-ugnay sa amin sa pamamagitan ng Messenger anumang oras!